06.06.2020

Sa matagal-tagal na panahon, natutulog ako na walang kapayapaan sa puso dahil sa mga nagaganap sa paligid, sa bansa. Tunay na nakakalungkot ang mga pangyayari. At kasabay ng lungkot na ito ay ang isa pang lungkot sa tila pagka-walang pakialam ng ilan (na iba pa’y katumbas ay marami) sa mga isyu na kinakaharap ng bayan. Minsan ay nakakagalit. Kadalasan ay nakakaiyak. Inaamin ko na dahil dito, minsan kinekwestyon ko kung tama ba ang paghubog sa’kin ng mga magulang ko at ng mga tao sa institusyong kinalakihan ko at naging ganito ako. Bagaman ganito, lagi’t lagi akong humahantong sa sagot na tama lang na ipaglaban ang karapatan nating mga mamamayan; na hindi masamang punahin ang mga kapalpakan at kabaluktutan ng pamahalaan; na walang mangyayari kung hindi natin ipaparinig ang ating mga hinanaing.

Ngunit dumating ang panahon, at ngayon ay nandito tayo, na nalagay sa panganib ang mga nabanggit na kasagutan ko sa sarili. Pamilyar ang mga eksena. Naganap na ito noon. Nadama ko nang saglit ang takot para sa sariling buhay at para sa mga taong patuloy ring lumalaban para sa mga karapatan. Nadama ko ang pangamba ng mga tao sa paligid ko na tila kulang na lang ay sabihan akong manahimik na lang dahil baka ipadampot ako. Nauunawan ko naman sila, pero hindi ako titigil. Nadama ko ang kaba, ngunit dumating ang araw na natabunan ito ng pag-asa. Sa wakas.

Tila nasilayan ko nang bahagya ang sikat ng araw nang makita kong nagsisimula na ring magsalita at manindigan ang ilan sa mga taong kay tagal kong hinintay gawin ito. At sigurado akong hindi lang ako ang naapektuhan sa kanilang pagtindig laban sa kawalan ng hustisya dahil may mga nakausap din ako na sinasabing nabuhayan sila n’ong makita nila na unti-unti nang nagsasalita ang mga tao. Sana alam ng mga taong ito kung gaanong kahit sa isang simpleng pahayag nila ay maraming nabuhayan at naging payapa ang kalooban dahil, sa wakas, dama na na sama-sama tayong lumalaban para sa bayan - kasalukuyan at kinabukasan.

May kapangyarihan sa pinagsama-sama at nagkakaisang mga boses.
Mahalaga ang boses ng bawat isa.
Mahalaga ang boses mo.


‘Wag tayong titigil. ‘Wag nating kakalimutan na ang kalaban ay ang kasamaan, hindi ang taumbayan.
Naniniwala akong magtatagumpay tayo.