ako ay siya; siya ay ako

may lungkot sa katahimikan
mga matang hindi mawari kung paano at saan
titingin na parang ‘di alam ang daan
saan makikita ang minimithing kapayapaan?

bubulong-bulong sa isang sulok ng silid
umaasang may makadidinig
may tao pa ba d’yan sa paligid?
may nakadidinig ba sa munting tinig?

basa ang sahig
sa pagbuhos ng dalamhati at sakit
kitang kita ang repleksyon ng mga kamay na nanginginig
at mga labing tila may ginigiit

naroon ako
mula sa malayo ay kita ko ang lahat
nakapanlulumong panoorin
tila isang eksenang kay bigat

wala akong nagawa
hindi ko siya maabot
hindi ko alam kung anong nagdulot
hindi ko rin alam ang mga sagot

sinubukan kong lumapit
iniisip na sana kaya ko siyang tulungan
ngunit napahinto ako nang ilang saglit
habang napagtatantong salamin pala ang aking tinititigan

ako ay siya
siya ay ako
patuloy ang pagkalito
sa mundong walang tigil sa pagbabago