ang tiyak

Tingin ko, ang tanging tiyak sa mundo ay ang kawalan ng katiyakan. 

Bukas, sa susunod na linggo, sa susunod na buwan, o sa susunod na mga taon, maaaring ang kung anong mayroon ngayon ay wala na. Maaaring malimutan na rin. O di kaya’y magkalimutan na.

Maaaring ang mga wagas na tawanan ngayon ay maging hiya at pakiramdaman na lang sa mga susunod na taon.

Maaaring ang mga kaibigan ngayon ay mga estranghero na bukas.

Maaaring ang mga kasinungalingan ngayon ay “katotohanan” na sa kasunod na linggo, o kabaliktaran.

May mga pangyayaring daraan lamang talaga sa buhay. Mga tao. Mga lugar. Darating ang panahon na ang pinanghahawakang katotohanan sa sarili ay marahil hindi na katotohanan sa iba kahit gaano pa ito pinatatag.

Gano’n ‘ata talaga.
Patuloy ang pag-ikot ng mundo.
Kasaba’y nito ay ang pagkapa sa sariling kapalaran at kinabukasan.
Pagalingan na lamang.
Ang tiyak: walang katiyakan.