
Tama na ang pagtingin sa nakaraan
Tama na dahil hindi na mababalikan
Mga araw na iba pa ang mga kaibigan
Mga kaibigang nagsabihang walang iwanan
Totoo ‘yon noon
Ngunit mapagbiro talaga ang panahon
Hindi na ganoon ngayon
Kanya-kanyang lakad na paparoon
Ngayon, naniniwala akong ang kasalukuyan ay maglalaho rin. Magsisi-alisan din. Magkakanya-kanya. At kinabukasa’y magkakasalubungan na lamang sa daan na tila walang nangyari. Magpapakiramdaman kung magpapansinan. O di kaya’y makakaramdam na ang buhay ay isang paligsahan.
Ngunit ngayon din, mananatili muna sa kasalukuyan at dadamhin ang mga mabubuti at magagandang bagay na maibibigay nito. Bahala na bukas. Sana ang nabanggit na pinaniniwalaan ay kasinungalingan. Sana paglaon ng panahon ay walang katotohanan.
Pero dito muna.
Dito na lang muna.
Pansamantalang iiwasan ang nakaraan.
Bahala na ngayon at bahala na bukas.