pagtakas sa kasalukuyan

Sobrang abala nitong mga nakaraang araw. Halos wala nang oras para sa sarili. Tila kasalanang humilata at tumunganga dahil bawat oras ay mahalaga. 

May kapalit ang bawat segundong walang ginagawa. Hindi ko na maramdaman ang aking sarili. Hindi ko na alam kung paano ilarawan sa pamamagitan ng kahit ano ang kung anong nangyayari. Maging ang mga salita sa lathalaing ito ay sapilitang hinila mula sa kaloob-looban ko — patay at walang buhay.

Hindi na ako marunong magsulat. Wala na akong sariling boses. Sinilip ko ang nakaraan at nakita kong anim na buwan na ang nakalipas mula noong nagpinta ako gamit ang mga salita — mula noong dinama ko ang aking nadarama. Hindi na importante kung masaya ‘yon o malungkot. 

Nakadungaw ako ngayon sa bintana. Malakas ang hangin sa labas. Tanaw ko ang pagpagaspas ng mga dahon at mga sanga ng puno. Umaambon at walang taong dumaraan sa basang kalsada. Basa rin ang bubong at mga damo.

Inilarawan ko ang aking kasalukuyang nakikita upang patunayan sa sariling marunong pa ako maglarawan. Kahit hindi kagaya ng dati. Kahit ang labas man lamang dahil hindi kayang ilarawan ang sarili. 

Ang tahimik, ngunit maingay. May liwanag, ngunit ang kulimlim. 

O siya, kailangan na muling kumilos. Hanggang sa muling pagtakas sa kasalukuyan, sarili.