
at doon huminto ang paglayag
wari’y isang surpresang sumalubong
pagkatapos ng isang pagdiriwang
ang pagtigil sa dalampasigan
‘eto, namamahinga, nananahimik
nakikiramdam sa kasamang
madalas nang tuliro at nakatitig sa kawalan
habang sa isip at puso ay nagpapa-alwan
nawa’y sa dulo ng pagbubulay-bulayay magpasyang muling pumalaot ang kasamang minsang matalinhagang nasambit na sa pagkamatay nagsisimula ang pagkabuhay
bagaman hindi ko pa rin iyon maintindihan,
inihahalintulad ko ang paghintong ito sa pagkamatay
na tila umaasang mula dito ay may uusbong na buhay
— ang pagpapatuloy ng paglayag
ngunit sa ngayon,
pahilumin ang mga sugat
na dala ng mga matitinding alon
noong kasagsagan ng bagyo
dito lang muna
aasa
maghihintay
mananatili