sa pag-iisa

siguro’y sa pag-iisa, makikila ka
na sa panahong walang makasama, darating ka
kailanman, saanman, ‘di ko alam
hihinto rin ang puso sa pag-aasam

siguro’y sa pag-iisa, masasagot na
kung bakit sagana ang utak sa mga haka-haka
baka nga ganito, baka nga ganyan
napupuno ang mundo ng walang kasiguraduhan

sa aking pag-iisa, sana’y makita
kaligayahang ‘di umaasa sa kasiyahan ng iba
na ‘di na kailangang sumama nang sumama
dahil napapagal din ang puso sa araw-araw na pakikisama

siguro’y sa ating pag-iisa, tayo’y magkikita
na tila may mga kamay na sa ati’y humihila
maaaring magkasalubong lamang, maaaring huminto na magkaharapan
kung ano pa man, may matatagpuan din sa hangganan